2 Dealers ng shabu, magkasunod na natiklo sa  Urbiztondo Posted on April 1, 2015

Nagbunga na rin sa wakas ang pinag-ibayong kampanya ng mga kinaukulan nang sunod-sunod na matiklo sa bayang ito ang dalawang pinaghihinalaang dealer ng shabu, isang ipinagbabawal na droga, nitong nakalipas na Marso 9 at Marso 25, 2015.

Sina Rufino Mendoza Munar, Jr., 37 taong gulang at Melchor Sonny D. Lei na kapwa taga karatig bayan ng Mangatarem, ay nahuli sa dalawang magkasunod na “buy-bust operations” na inilatag ng mga tauhan ng Urbiztondo PNP Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force sa pamumuno ni PCI Wilfredo P.Cabanayan, Hepe ng Pulisya ng Urbiztondo. Ito rin ay sa pakikipagtulungan ng mga tauhan ng Pangasinan Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (PAIDSOTG) sa pamumuno ni PSInsp Michael DG Bautista. Nakipag-ugnayan din ang mga kinaukulan sa Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA), Region 1.

Ayon sa salaysay sa mga pangyayari, nagpanggap na “buyers” o “mga kliyente” ng mga suspek ang ilang pulis sa magkasunod na operasyon. Naglaan din ang mga ito ng mga markadong pera bilang “pambili” nila ng illegal na droga mula sa mga suspek.

Sa naturang dalawang magkahiwalay na operasyon, nasa di kalayuan ang isa pang kasaping pulis na miyembro ng Urbiztondo PNP at mahigpit na nagmamasid. Nang nagkaabutan ng bayad ang mga ito, gumawa ng “signal” ang mga gumanap na “police buyer” kasabay ng  biglang  paglapit at pagsunggab sa mga suspek ng mga nakaabang na pulis.

Dahil sa nakatimbre ang dalawang magkasunod na police operations na ito sa Alkalde ng Bayan na si Hon. Martin Raul S. Sison II, kagyat siyang nakarating sa lugar (na parehong nangyari sa may kahabaan ng Rizal Street, Brgy. Poblacion, Urbiztondo at katapat lamang ng Urbiztondo Central School). Naipresenta sa kanya ang mga nahuling suspek pati na ang mga iba pang gamit sa kanilang pag-iingat  sa illegal nilang gawain.

Mula sa pag-iingat ni Rufino M. Munar, nakumpiska ng mga awtoridad ang mga sumusunod:

2 selyadong plastic na sachet na naglalaman ng 0.083 at 2.758 gramo ng shabu ang bawat isa;

2 nakarolyong aluminum foil;

1 pirasong perang papel na P500 na may serye bilang J241594 at may markang “BFC” na tinanggap niya bilang pambayad sa kanyang naibentang illegal na droga;

1 Nokia cellphone, at

1 piraso ng “El Shaddai” pouch.

Mula naman kay Melchor Sonny D. Lei, nakumpiska ang apat (4) na heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng shabu na may kabuuang bigat na 3.78 gramo ng shabu.

Agad dinala sina Munar at Lei sa Mangatarem District Hospital at sumailalim ang mga ito sa kaukulang medical examinations. Mula doon, ikinulong sila sa piitan ng Urbiztondo Police Station habang inihanda ang mga papeles at mga ebidensya sa kasong  isinampa ng Pulisya.

Haharapin nina Munar at Lei ang kasong paglabag sa Seksyon 5, 11 at 12, Artikulo II ng RA Bilang 9165 (o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”) sa Regional Trial Court sa San Carlos City.

Sa kasalukuyang, inilipat na ng kulungan sina Munar at Lei sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa San Carlos City, Pangasinan habang hinihintay nila ang skedyul  sa pagdinig ng kanilang mga kasong kriminal. (RMV).

 crime1 crime2

Kita sa mga larawan na kinakausap ni Hon. Municipal Mayor Martin Raul S. Sison II sina Rufino M. Munar at Melchor Sonny D. Lei sa kanilang magkahiwalay na pagkakahuli sa pagbebenta ng shabu, isang ipinagbabawal at iligal na droga. Labis na ikinagalak at pinapurihan ng batang-batang Alkalde ang mga tauhan ng Pulisya ng Urbiztondo sa kanilang sunod-sunod na tagumpay sa kampanya ng kanyang Administrasyon para hulihin ang mga gumagawa ng illegal na gawain sa kanyang Bayan).